Sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan (SK) Municipal Federation ng Romblon, ipinagdiwang noong Agosto 11-12 ang “Linggo ng Kabataan 2018” sa pamamagitan ng coastal clean-up, symposium on teenage pregnancy, anti-drug abuse seminar, Anti-Violence Against Women and their Children Act, Romblon’s culture, history and tradition at iba pang gawaing pangkomunidad,
Ang selebrasyon ay ginanap sa covered court ng Romblon public plaza taglay ang temang “Safe Spaces for Youth” na dinaduhan ng mga miyembro ng Kalipunan ng Kabataan mula sa 31 barangay ng Romblon, Romblon.
Ayon kay Sangguniang Kabataan (SK) Municipal Federation President Maria Hannah Angelica Fontilar, kanyang isinusulong ang isang resolusyon sa Sangguniang Bayan ng Romblon na ang bawat barangay ay dapat magkaroon ng taunang “Linggo ng Kabataan” tuwing Agosto na pangungunahan ng kanilang SK chairman.
Mahigit 200 kabataan mula sa ibat-ibang paaralan at youth organizations ang lumahok sa symposium at seminar kung saan tinalakay ang mga paksa hinggil sa leadership, anti-drug abuse campaign, karapatan ng mga kababaihan at kabataan, paghimay sa kasaysayan, kultura, at tradisyon ng mga Romblomanon at common teenage problems tulad ng pre-marital sex at teenage pregnancy.
Nagpapasalamat si Fontilar sa mga kabataang dumalo sa okasyon at maging sa mga nagsilbing resource speaker sa youth symposium at seminar dahil naging maayos sa pangkalahatan ang dalawang araw na aktibidad.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)