Dalawang pasyente ng Romblon Provincial Hospital ang magkasunod na namatay ngayong semana dahil sa sakit na dengue ayon sa Provincial Health Office ng lalawigan ng Romblon.
Isa sa mga binawian ng buhay ay si Jonathan Fejer Ferranco, 26-taong gulang, at residente ng Barangay Taboboan, Odiongan, Romblon.
Ayon sa asawa ni Ferranco, August 9 palang ay dinala na nila sa Romblon Provincial Hospital si Jonathan ngunit mataas na umano ang lagnat nito hanggang sa bawian ng buhay nitong Huwebes ng umaga dahil sa severe dengue.
Hindi rin umano sigurado ang asawa ni Ferranco kung saan nakuha ang dengue virus ng asawa dahil lagi umano itong walang sa bahay dahil sa trabaho niya bilang collector ng isang lending company.
Kasunod ng pagkamatay ni Ferranco, sinabi ni Dra. Ederlina Aguirre, Romblon Provincial Health Officer, na may dengue outbreak na sa bayan ng Odiongan matapos makapagtala ng mas maraming bilang ng tinamaan ng dengue ngayong taon kesa noong nakaraang taon.
Nitong Martes, isang pasyente na tubong San Agustin ang namatay rin dahil sa parehong sakit.