Plano ng Provincial Health Office (PHO) na paigtingin ang information drive patungkol sa Human immunodeficiency virus at Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV/AIDS) at iba pang uri ng Sexually Transmitted Diseases (STD).
Target ng PHO na dalhin at palawakin pa ang information drive sa mga eskwelahan sa lalawigan ng Romblon sa pakikipagtulungan ng Deparment of Education at non- government organizations.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA, sinabi ni Dr. Ederlina Aguirre na batay sa kanilang talaan, mayroon ng 30 kaso ng pagkakasakit ng HIV sa ilang mga bayan sa lalawigan.
Sa pamamagitan aniya ng pagpapalawak ng information drive, maiiwasan ang paglobo ng tinatamaan ng naturang virus.
Sa naturang bilang ay isa ang may clinical manifestation na mayroong advanced HIV infection o AIDS.
Sexual contact pa rin ang nangungunang mode of transmission kaya pinapayuhan ni Dr. Aguirre ang mga kababayan na maging faithful sa kanilang mga partner, huwag paiba-iba ng katalik at para makasiguro ay gumamit ng condom o contraceptive.
“Ang pagiging loyal sa mga asawa at partners ang isa sa pinakamainam na paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng human immunodeficiency virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS),” pahayag ni Dr. Aguirre.
Aniya, simula noong 1984 hanggang sa unang quarter ng 2017 ay may naitala nang 30 kaso na nag-positibo sa HIV at pinakamaraming kaso ay nasa mga ng bayan ng Romblon at Odiongan kung saan apat dito ay nauwi na sa acquired immune deficiency syndrome (AIDS).
“Karamihan lalaki kasi yung ano doon sa mga lalaki ay yung male having sex with other women.” sinabi ni Dra. Aguirre.
Ayon naman sa Department of Health – Romblon, libreng mag pa-test ang lahat sa Social Hygiene Clinic sa Rural Health Unit ng Odiongan para masigurong ligtas at wala silang sakit na HIV o di kaya’y maagapan at hindi mauwi sa AIDS na pwedeng ikamatay.
Pinayuhan rin ni Dra. Aguirre ang mga may ‘risky behavior’ na kung hindi maiiwasan ay gumamit ng condom para maiwasang mahawa ng sakit. May libre aniyang mga condom na available sa mga rural health centers ng bawa’t bayan ng Romblon, ayon pa sa Provincial Health Officer.
Sa ngayon ay wala pa aniyang bagong datus na inilalabas para sa probinsiya dahil mas mahigpit na ngayon ang Department of Health (DOH) bunsod ng sa isyu ng privacy.
Patuloy naman ang ginagawang kampanya ng Department of Health – Romblon sa pakikipagtulungan ng Provincial Health Office para masigurong hindi na dadami ang mga may sakit na may HIV.(DMM/PIA-MIMAROPA)