Matapos ang halos limang taong pag-aantay mula sa approval ng Department of Agriculture’s Philippine Rural Development Project (DA-PRDP), tuloy na tuloy na ngayon ang gagawing Farm To Market Road sa Sitio Aurora, Barangay Patoo, Odiongan, Romblon.
Ang nasabing proyekto ayon kay PRDP South Luzon Cluster Deputy Project Director Shandy Hubilla ay nagkakahalaga ng P168-million kung saan maglalagay ang Department of Agriculture sa pakikipagtulungan ng Provincial Government ng Romblon ng farm to market road at dalawang tulay.
Ngayong araw, pinangunahan nina Romblon Governor Eduardo Firmalo, PRDP MIMAROPA Deputy Project Director Alex Ronquillo, at Dir. Hubilla, ang ground-breaking ceremony na ginawa sa Barangay Patoo.
Sinaksihan ito ng mga residente ng Sitio Aurora na isa sa mga pinakamalaking makikinabang sa nasabing proyekto.
Ayon kay Bantoan Tribe Chieftain Joefre Lilang, ang daan ay malaking tulong para sa mga IP sa lugar. Aniya noong 2013 ay bumuo sila ng asosasyon kung saan manu-manu silang gumawa ng kalsada at kanal galing sa proper ng Barangay Patoo patungo sa Sitio Aurora.
Sinabi naman ni Pastor Vicente Malay Jr. na residente rin ng lugar na ang nasabing proyekto ay katuparan sa matagal na nilang hiling at panaginip.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga taga-Aurora dahil makakatulong ang nasabing farm to market road sa pagbiyahe ng kanilang mga produkto katulad ng mga gulay at prutas patungo sa Odiongan Public Market.
Sinabi naman ni Romblon Governor Eduardo Firmalo sa kanyang maikling talumpati na ang nasabing farm to market road ang Phase 1 ng planong pagkakaroon ng cross country road mula Concepcion Sur sa Santa Maria patungo ng Odiongan.
Ayon sa project details, ang nasabing proyekto ay inaasahang matatapos ng contractor na RCDG Construction Corp. sa loob ng isang taon.