Arestado nitong umaga ng Huwebes ang isang lalaki sa bayan ng Corcuera, Romblon matapos mabilhan ng mga operatiba ng PDEA at PNP ng pinaghihinalaang shabu.
Kinilala ni Police Inspector John Anthony Angio, OIC ng Corcuera MPS, ang suspek na si Joseph John R. Fetalver alyas “Butog”, tubong Odiongan at kasalukuyang naninirahan sa bayan ng Corcuera.
Ayon kay Police Inspector Angio nang makapanayam ng Romblon News Network, nabilhan nila ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may market value na aabot sa P30,000.
“Yung binigay naming pera ay P1,000 na genuine money, at P29,000 na pekeng pera,” pahayag ni Angio.
Sinabi rin ni Police Inspector Angio na ang suspek ay isang High Value Target (HVT) at nasa watchlist ng Provincial Intelligence Branch, Odiongan Municipal Police Station, at ng PDEA.
Nakakulong na ngayon si Fetalver sa Corcuera Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang operasyon ay ikinasa sa pakikipagtulungan ng Corcuera Municipal Police Station, Calatrava Municipal Police Station, Provincial Intelligence Branch – Romblon PPO, at ng Philippine Drug Enforcement Agency 4B.