Sinagot ni Romblon Governor Eduardo Firmalo ang ilang reklamo laban sa Romblon Provincial Hospital(RPH) sa Odiongan na lumabas sa social media nitong mga nakaraang araw.
Sa panayam ng programang Mata ng Bayan sa Radyo Natin Odiongan nitong Sabado kay Firmalo, sinabi nito na noong 2010 nang maupo siya bilang gobernador ay iisa pa lang ang building ng RPH at nasa 20 pasyente lang kada araw ang kayang tanggapin. Ngayon may tatlo ng building ang RPH na tumatanggap ng 2,000 hanggang 3,000 na pasyente kada buwan.
Aniya, may 38 hanggang 40 na doctor ang ospital kaya kung dati umano ay madaming niluluwas ng Romblon, ngayon ay sa RPH na lang sila ginagamot.
Nilinaw rin nito na walang consultants na di umano’y tumatanggap ng buong sahod kahit hindi pumapasok. Aniya, itong mga consultant ay mga specialists na tumatanggap lang ng allowance na P15,000 hanggang P25,000 kada buwan.
“Allowance lang yan pero inaallow natin sila mag opera pero minimum lang dapat ang singil,” pahayag ni Firmalo.
Pagdating naman umano sa mga CR na marurumi, sinabi ng Gobernador na pinipilit ng mga taga-RPH na linisin ang mga CR ngunit may ilang pasyente umano na sa sahig umiihi, o di kaya’y sa bowl nagtatapon ng mga basura.
“Ang mga CR, mga bago yan, ang problema sobrang dami ng pasyente. Ang problema pa ay yung paglagay ng mga kalat katulad ng mga napkin sa bowl kaya nagbabara ang mga CR natin,” dagdag pa ng Gobernador.
Humingi naman ng pasensya ang Gobernador sa problema ng ospital ngunit sinabi nito na sana maintidihan ng mga pasyente ang kalagayan ng ospital kasi parami ng parami ang mga pasyente kahit na malaki ang pinagbago ng ospital pagdating sa mga pasilidad at kagamitan. Sa ngayon meron ng mga ultrasound, at CT Scan sa ospital na nakakatulong sa mga Romblomanon.
“Lagi ko sinasabi sa mga empleyado ng Romblon Provincial Hospital na ang boss natin ay ang mga tao, kaya dapat maganda ang pakikitungo natin sa lahat,” sinabi pa ng Gobernador.
Sa mga may reklamo pwede umanong lumapit sa Chief of Hospital ng Romblon Provincial Hospital o di kaya’y sa opisina ng Governor’s Office sa Odiongan at sa Romblon para mabigyan ng action ang kanilang mga sumbong.