Dalawang pawikan o green sea turtle ang napadpad sa baybayin ng bayan ng Cajidiocan, Sibuyan Island, Romblon nitong Martes ng umaga.
Ayon sa mga mangingisda sa lugar, posibleng sumabit sa kanilang tali ang dalawang pawikan na may bigat na mahigit 60 kilos kada isa. Hinala ng mga mangingisda, mag-asawa ang dalawang pawikan.
Agad naman nilang ipinatawag ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources, at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para ipasuri ang dalawang pawikan at para na rin maibalik agad ito sa dagat.
Ang mga pawikan o green sea turtle ay itinuturing ng endangered species ng Department of Environment and Natural Resources dahil sa kumakaunting bilang ng mga lahi nito.