Ang Development Bank of the Philippines (DBP) ay naglagay na ng automated teller machines (ATMs) sa mga bayan ng Cajidiocan, Magdiwang at San Fernando sa isla ng Sibuyan.
Ang mga ATM na inilagay ng DBP sa Municipal hall ng tatlong nabanggit na bayan ay makatutulong sa mga residente at mga kawani ng gobyerno dahil mas mababa ang singil nito sa bawat transaksiyon.
Mahihikayat din nito ang mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante na mag-impok ng pera sa banko upang may magamit sa panahon ng emerhensiya.
Ayon kay Gilbert Rabuel, branch manager ng DBP sa Romblon, P500 lamang ang initial deposit para sa mga nais magbukas ng Savings Account sa kanilang banko at dapat P500 din ang maintaining balance ng ATM Card.
Tiniyak ng pamunuan ng DBP-Romblon na mas papalawakin pa nila ang kanilang lending activities para sa social services na nakakasakop sa health care, education, housing at community development. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)