“Pera na naging bato pa!” – ito ay isang popular na kataga na madalas masambit natin, lalo na kapag ang isa sanang biyaya na matatanggap e, biglang nawala.
Parang ganito ang mangyayari sa milyon-milyong pundo na aabot sa P267,376,759.44 na nakuha ng Provincial Government sa pamumuno ni Gov. Lolong Firmalo para sa rehabilitasyon at pagpapaganda sa mga serbisyo ng mga municipal health centers sa iba’t ibang bayan sa lalawigan na kinabibilangan ng Alcantara, Banton, Cajidiocan, Concepcion, Calatrava, Corcuera, Ferrol, Looc, Odiongan, Romblon, San Andres, San Fernando, San Jose, at Santa Maria, kung sakaling tuluyang ma-delay o ma-disapprove ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Romblon ang pagbibigay sa Gobernador ng Authority to enter into a MOA with the Department of Health (DOH) sa pagpapatupad sa nasabing proyekto sa mga nabanggit na bayan. Ayon kay Gov. Firmalo, kasado na ang lahat ng mga dokyumento upang maipatupad ang proyekto, at tanging ang Authority to enter into a MOA with the DOH na tanging ang SP ang may jurisdiction ang hinihintay upang tuluyan ng masimulan ang nasabing proyekto.
Dagdag pa ni Gov. Firmalo, ang request nito para sa nasabing ‘authority’ na dapat ibigay ng SP ay naisumite noon pang June 4, 2018. Kinumpirma naman ito ni SP Member Dong-Dong Ylagan sa panayam ni Ka Awe Eranes at ng inyong lingkod nitong Sabado (June 30) sa programang Mata ng Bayan sa Radyo Natin FM-Odiongan.
Ayon kay SP Ylagan, halos isang buwan na umano nilang natanggap ang referral at sa kasalukuyan ay nasa pag-aaral na ng tatlong komite (Legal, Health, at Infrastructure) at hinihintay na lamang na magsumite ang mga ito ng kanilang report at recommendation. Bagamat ayaw ni SP Ylagan na magsalita para sa o pangunahan ang mga nabanggit na komite, sinabi rin nya na initially halos walang isyu sa komite ng Legal at Health, pero sa Infrastructure umano ay kinukwestiyon ang ‘capacity’ ng provincial government na ipatupad ang proyekto.
Ani Gov. Firmalo, kung capacity umano ng provincial government sa pagpapatupad ng proyekto ang kukwestyunin, mahigit 5 beses na ang provincial government na nagpatupad ng malalaking proyekto kasama na rito ang rehabilitation ng Romblon Provincial Hospital, kaya naniniwala si Governor Firmalo na mababaw ang dahilan na ito upang ma-delay o tuluyang ma-reject ang nasabig request na magreresulta sa hindi pagpapatupad ng nasabing proyekto. Dagdag pa ni Gov. FIrmalo, makikipagdayalogo sya sa SP upang pabilisin ang pagbigay ng authority to enter into a MOA with the DOH at masagot ang kanilang mga inquiry, kung meron man.
Almost a month na tugon o aksyon ng SP sa request ng Gobernador, abah medyo mahaba-haba itong paghintay. Ang masaklap pa, ayon na rin sa salaysay ni SP Dong-Dong Ylagan, may mga pagkakataon ang SP na hindi natutuloy ang session dahil marami ang absent at walang quorum. Ano ba yan! Time is gold mga Sirs, we cannot delay the provision of medical services sa ating mga mamamayan. Baka naman po pwede kayong mag-hold ng Special Session para resolbahin na po ang isyu nang maibigay na sa Gobernador ang awtoridad na pumasok sa MOA with DOH nang sa gayon ay tuluyan ng maipatupad ang isa sa napaka importanteng proyektong ito sa mga nabanggit na bayan.
Para naman sa mga residente ng 14 bayan na nabanggit, kayo po ang direktang makikinabang sa nasabing proyekto kung kaagad-agad ay maipapatupad. Iparamdam po ninyo sa ating mga mahal na myembro ng Sangguniang Panlalawigan ang inyo pong demand na resolbahin na nila ang pagbibigay ng Authority kay Gov. Firmalo to enter into a MOA with the DOH, nang tuluyan na pong maimplement ang pagpapaayos ng mga health centers/district hospitals sa inyo pong mga lugar.
Ayaw nating isipin na nakukulayan ng pulitika ang ‘delay’ na aksyon ng SP. Trabaho muna bago ang pulitika, ika nga ni SP Dong-Dong Ylagan.
‘Wag sanang maging bato ang pera’.