Isang pasyente sa San Fernando, Romblon ang kailangang pagtulungang buhatin ng mga kamag-anak at mga kapitbahay para lang maitawid sa ilog sa isang ilog sa gitna ng malakas na agos at malakas na ulan.
Sa mga kuha ni Joey Rada Mortel na inupload sa Facebook, makikita ang pasyente na binubuhat para makaakyat sa detour na ginawa ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para may madaanan habang ginagawa pa ang Olango bridge sa Barangay España.
Ayon kay Mortel, pahirap umano ang mga proyekto ng DPWH sa lugar na hindi pa natatapos.
Maliban sa Olango bridge, nakbinbin at hanggang ngayon ay hindi rin natatapos ang Punong Bridge na nasa parehong bayan rin.
Nitong Marso, sinabi ni DPWH-Romblon District Engr. Napoleon Famadico na binigyan nila ng palugit ang mga kontraktor na tapusin ang kanilang mga project sa loob ng 30-araw ngunit ayon sa mga residente sa lugar, bigo at hindi natapos ng kontrator na tinutukoy ni Famadico ang mga projects.
Isa sa mga contractor na pinangalanan ni Famadico noong Marso na may mga project na nakabinbin sa isla ay ang Arky Constructions and Supply, ang firm na naghaharap rin sa issue matapos na masira nitong Martes ng umaga ang isang kalsada na ginawa nila sa Odiongan.
Samantala, patuloy na kinukuhaan ng Romblon News Network ng pahayag ang Arky Constructions and Supply at ang Department of Public Works and Highways kaugnay sa mga hindi natatapos na proyekto.