Kung may “No-El” o no election scenario sa 2019 na pinag-uusapan sa politika dahil sa umuugong na Cha-cha o charter change, mayroon naman “Ma-L” na pinag-uusapan ngayon tungkol sa isyu ng kaisipan—ang “libido.”
Mantakin niyo, matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) na mental health disorder ang pagiging adik sa video games, ngayon naman ay isinama na rin nila sa listahan ng “disorder” o problema sa isip sa pagiging mahilig sa “sex.”
Pero hindi naman agad-agad na sinabi ng WHO na porke “ma-L” ang isang tao eh manyak na siya na mahilig manggahasa. Sa totoo lang, kung may “ways and means” ka para makahanap na makakasama sa pakikipagtalik, hindi mo naman kailangan gumamit ng puwersa o dahas, o in short manggahasa.
Kung may pera ang isang tao na mahilig sa sex, aba’y maghahanap lang siya ng babaeng bayaran para mairaos ang kaniyang makalupang pagnanasa. Kung gwapings naman ang lalaki o bombastic ang babae at gusto niya ring mailabas ang init sa kaniyang katawan, puwede siyang magpapa-cute sa kursunada niya at ayos na ang buto-buto.
Pero kung may pera na at magandang lalaki o babae ang isang tao pero hayop gaya ng kambing, pabo o kabayo ang trip o pinagnanasaan niya, aba’y matindi pa sa sexual addiction ang problema niya.
Sabi sa inilabas na ulat ng WHO, nakasaad na ang sex addiction ay “compulsive sexual behavior disorder” na kinabibilangan ng “a persistent pattern of failure to control intense, repetitive sexual impulses or urges resulting in repetitive sexual behavior.”
Kabilang daw sa sintomas ng taong sex addict ay patuloy na gagawin ang lahat mapagbigyan lang ang makalupang pagnanasa kahit may masamang epekto sa kaniya, paulit-ulit na ginagawa kahit napapabayaan na ang kalusugan, pag-aaral, pamilya, trabaho at iba pang gawain, na kahit paulit-ulit nang ginagawa eh hindi pa rin nasisiyahan at iba pa.
Bago naman masabing sex addict ang isang tao, kailangan siyang maobserbahan ng anim na buwan. Sabi ng ating kurimaw na mahilig kausapin ang sarili, aba’y hindi kaya manguluntoy at mangalumata ang isang tao na walang ibang ginagawa kung hindi ang kumangkang? Iyon nga lang, malamang na malusog ang puso niya kung totoo rin ang sinasabi sa mga pag-aaral na sex is good for the heart. Pero lahat nang sobra, ika nga ay nakasasama.
Iyon nga lang, hindi nasabi sa ulat ng WHO kung masasabi rin bang sex addict ang mga mahihilig na manood ng porn at pagkatapos ay paliligayahin ang sarili. In fairness sa ganitong mga tao, sarili lang nila ang kanilang nilalapastangan.
Sa isang lumabas na ulat, sinabi ng isang psychiatrist, na wala daw sa listahan ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders, ang pagkahilig sa panonood ng porn. Gayunman, maituturing naman daw itong “personality disorder” na kaya namang malunasan.
Kadalasan daw na ang nagtutulak sa isang tao na maging mahilig sa panonood ng porn ay kalungkutan, pagiging mag-isa at depresyon. Aba’y sa panahon ngayon ng internet, kapag mag-isa ka at walang magawa, natural lang na makaisip ka ng kalokohan lalo na kung umuulan.
Pero hinay-hinay din sa pagiging mahilig sa porn dahil may mga pag-aaral na nagsasabing nakakaliit ng… hindi si “manoy,” kung hindi ng utak ang labis na panonood ng porn at nakakaapekto daw sa memorya.
Ngunit anuman ang problema, mapa-sex addict man o porn addict ang isang tao, nawa’y makatulong ang bagong batas na Mental Health Law para mabigyan siya ng kaukulang atensyong medikal bago pa kalyuhin o magkapaltos-paltos ang kaniyang pinakaiingatang ari-arian, o kaya ay bago pa siya magawa ng hindi maganda sa kaniyang kapwa.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)