Marami pa rin ang hindi maka-get over sa ipinakitang “gulpi de gilas’ ng mga manlalaro natin sa Gilas Pilipinas laban sa koponan ng Australia sa ginaganap na FIBA World Cup qualifier.
Iyon nga lang, hindi sa “score” ginulpi ng Gilas ang Australia kung hindi sa bugbugan nang magkarambulan sa basketball court. Third quarter na ang labanan at tambak ng mahigit 31 puntos ang Pilipinas (79-48) nang tamaan [o patamaan?] ni Roger Pogoy ng siko sa mukha ang manlalaro ng Australia na si Chris Goulding.
Isang kasamahan naman ni Goulding na si Daniel Kickert ang gumanti ng siko kay Pogoy at doon na nangyari ang rambolan. Ang matindi na lalong nagpasakit sa mata ng mga paniko ng boksing, este basketball, pati ang assistant coach ng Gilas na si Jong Uichico at iba pang hindi manlalaro ng Gilas, nakisali sa bugbugan at pambabato.
Kung titingnan ang iskor, hindi maaalis na mag-isip ang ilan nating kurimaw na baka naman inis-talo na nang sandaling iyon ang mga manlalaro ng Gilas dahil tinatambakan na sila ng Australia sa kanilang “homecourt.” Dahil kilala ang Gilas sa fighting spirit na “puso!,” baka raw napagod na ang kanilang “puso!” kaya kamao naman ang ginamit.
Sabagay, sinasabing ang sukat daw ng puso ay depende sa laki ng kamao kaya magkaugnay pa rin.
Ngunit kung ang kampo ng Gilas ang tatanungin, bago pa man daw ang laro eh magaspang na ang asal ng mga manlalaro ng Australia. Inalis pa nga raw ng mga ito ang nakadikit na sticker ng sponsor sa court. Pero paliwanag naman ng Australia, inalis nila ang sticker dahil baka madulas ang kanilang mga manlalaro.
At bukod doon, masyado raw pisikal ang laro ng Australia sa simula pa lang ay may mga pitik nang na ginagawa na sa mga manlalaro ng Gilas. Pero hindi ba kasama sa laro ng basketball ang pagiging pisikal? At kung taktika ng Australia na galitin ang mga manlalaro para mawala sa kanilang konsentrasyon, aba’y kinagat nila at ngayon eh namimiligrong hindi makapaglaro ang siyam na manlalaro ng Gilas sa susunod na round ng laban.
Kung tutuusin, pasok na kapwa ang Pilipinas at Australia sa susunod na round kahit sino pa man sa kanila ang nanalo. Maaari sanang naiwasan o kahit papaano eh hindi naging kasing tindi ng “rambol” ang nangyari kung kaagad na pumagitna at umawat ang mga dapat umawat. At anong ginawa ng mga referee?
Dahil sa nangyari, may mga napansin ang ating kurimaw na water boy sa mga liga ng barangay. Isa na rito ang pagiging solido ng Gilas pagdating sa bugbugan na talagang sama-sama. Iyon nga lang, dahil sama-sama at walang iwanan, aba’y tatlong manlalaro na lang ang naiwan at pinayagang maglaro dahil napatalsik sa laban ang siyam nilang kasama na sumali sa rambol.
Bukod doon, kung ano raw ang taas ng talon ng mga player kapag nagda-dunk ng bola, siya naman baba ng kanilang “flying kick” sa away. At kahit malalaki ang kanilang katawan, mukha raw mahinang manuntok ang mga player dahil walang bumagsak at nakatulog sa dami ng pinakawalang suntok. Ni wala nga yatang umuwing duguan.
Dapat sigurong abangan ng Gilas na magretiro bilang professional boxer si Senador Manny Pacquiao at kunin nila sa team kahit “reserba” lang para may matindi silang resbak sa ganitong mga sitwasyon. Isama na rin nila ang MMA fighter na si Brandon Vera.
Ngunit sa totoo lang, naging matindi siguro ang reaksyon ng mga Pinoy sa nangyari sa Gilas dahil hindi tayo sanay na makita ang mga manlalaro natin na nakikipagrambulan sa mga dayuhan. Kaya nga siguro hindi natin sinusugod ang China kahit inaagawan na tayo ng teritoryo. Ang matindi pa, kilala tayo sa pagiging hospitable at magiliw sa mga “bisita.” Kung ang Gilas kaya ang lamang ng 30 puntos nang sandaling iyon, ganoon pa rin kaya ang kalalabasan ng eksena?
Habang ginagawa natin ang kolum na ito, hindi pa natin alam ang magiging parusa sa Gilas players dahil sa nangyari. Pero huwag naman sanang masuspindi ang siyam na manlalaro dahil tiyak na madedehado na tayo sa susunod na round ng kompetisyon. Mahirap makipagrambulan kung tatlo lang ang player.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)