Naganap na nga nitong Lunes ang minsan na nating napag-usapan na posibilidad na maging kauna-unahang Speaker ng Kamara de Representantes si dating President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo nang ikudeta ng mga kongresista ang dating Speaker na si Pantaleon Alvarez. Ang tanong nga lang ng ating kurimaw, maganda kaya o hindi ang nangyari para sa bayan?
Kung isa ako sa mga alipores ni President Mayor Rodrigo Duterte, hindi ako matutuwa sa nangyaring eksena sa araw mismo ng State of the Nation (SONA) ng Punong Ehekutibo. Bakit? Aba’y nasapawan ng mala-teleseryeng eksena sa agawan ng speakership ng Kamara ang SONA… na ang pangulo dapat ang bida.
Mantakin ninyo, mahigit isang oras naantala ang SONA ni Duterte dahil hindi malaman kung sino kina Alvarez at Arroyo ang uupo sa rostrum sa plenaryo na kasama ang Senate President at ang Pangulo ng bansa. Kung hindi pa yata nakiusap si Duterte na hayaan na muna si Alvarez ang maupong Speaker sa oras ng kaniyang SONA para maiwasan na mapolitika ang kaniyang SONA, aba’y baka inabot pa ng siyam-siyam bago nakapagtalumpati ang pangulo.
Baka nga nawala sa mood si Duterte nang araw na iyon kaya halos binasa na lang niya ang inihandang speech, at wala na siyang adlib kaya natapos ang kaniyang SONA pagkaraan lang ng mahigit 40 minuto. Malayo sa dalawang nauna niyang SONA na tumatagal ng higit isang oras at puro adlib na may patawa pa at galit. Na-miss tuloy ng ating kurimaw ang pagmumura ng pangulo sa kaniyang talumpati.
Maliban sa kaguluhan sa Kamara sa pagpili ng Speaker, hindi kaya naapektuhan si President Mayor ng mga pinakahuling mga survey na nababawasan na ang suporta sa kaniya? Bukod doon, hindi rin nila dapat balewalain ang dumadaming sumasama sa mga protesta laban sa kaniyang pamamahala.
Pero balik tayo sa bagong Speaker na si Arroyo, tiyak na aabangan naman ngayon kung ano ang mga magiging galawan ng kaniyang liderato sa Kamara pagdating sa malalaking usapin. Tulad ng mungkahing Charter change, death penalty, divorce law, end Endo [contractualization], federalism, at pati ang second phase ng tax reform program, at pati na ang mungkahing suspindihin ang Train law.
Kung sa death penalty at divorce, posibleng tagilid itong makalusot sa liderato ni Arroyo dahil kilala rin naman siya na “religious.” Katunayan, sa ilalim ng kaniyang liderato noong siya ang pangulo nagkaroon ng tigil-bitay hanggang sa tuluyang mapawalang-bisa na ang batas.
Pagdating naman sa Cha-cha, minsan na rin tinangka ng kaniyang liderato na amyendahan ang Saligang Batas. Pero hindi para sa federalismo gaya ng nais ni Duterte, kung hindi para gawing unicameral o iisang Kongreso na lang sa halip na bicameral na umiiral ngayon. Sa usapin ng mga buwis tulad ng Train law, abangan natin kung papanig ba ang “ekonomistang” si Arroyo sa popular na hinaing na suspindihin ito o amyendahan para maging “mabango” siya sa bayan at tumaas ang “popularity” rating.
Alalahanin natin na nang bumaba sa Malacanang si Arroyo nang matapos ang kaniyang termino noong 2010, aba’y sumadsad sa negative 7 ang kaniyang net satisfaction rating batay sa survey ng Social Weather Station. Hindi pa nga nakakalimutan ng publiko ang makasaysayan niyang linya na “I am sorry,” kaugnay ng “Hello, Garci” scandal tungkol sa umano’y dayaan sa halalan noong 2004 kung saan tinalo niya sa panguluhang halalan ang namayapang si Fernando Poe Jr.
Bukod doon, naaresto at nilitis din siya sa kasong pandarambong hanggang sa pawalang-sala ng Korte Suprema. At ngayon nga, she’s back at makakasama na naman sa limang pangunahing pinuno ng bansa [President, Vice President, Senate President, Speaker, at Chief Justice] mga isinasagawang survey.
Makakatulong kaya si Speaker Arroyo para muling makabawi ang trust at satisfaction rating ni President Mayor Duterte sa pamamagitan ng pagsuporta sa legislative agenda ng Palasyo, o uunahin ni GMA ang sarili na pabanguhin? May bago tayong aabangan kung madali talagang makalimot ang bayan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)