Siniguro ni Romblon State University President Dr. Arnulfo De Luna na may kopya ang lahat ng mga mahahalagang dukomento na kasamang naabo sa nangyaring sunog sa Administration Building ng Romblon State University nitong nakaraang Sabado.
Sa programang Mata ng Bayan sa Radyo Natin Odiongan nitong Sabado, sinabi ni De Luna na pag-upo niya umano sa opisina bilang Presidente ay ginawan niya na ng hakbang para magkaroon ng kopya ang mga mahahalagang papel ng bawa’t opisina.
“Fortunately noong tayo ay nag assume ng office, unang nating i-encourage sa mga opisina ay magkaroon ng copy ng lahat ng mahahalagang dukomento,” pahayag ni Dr. De Luna.
Sinabi rin nito na walang student records na nasira dahil may kopya umano ang bawa’t college ng mga records ng mga estudyante at meron na rin umano ito sa kanilang online system.
Pagdating naman umano sa mga records ng Romblon State University pagdating sa mga administrative papers ay meron na rin umanong kopya nito ang Commission on Audit (COA), at ang kanilang records section kaya kung may sasadya sa nasabing sunog para may maitago ang isang papeles ay malabo umano yun.
Sa inisyal naman na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection – Odiongan, posibleng short circuit ang pinagmulan ng sunog ngunit hindi rin umano isinasantabi ang arson sa nasabing pangyayari.