Inilahad ni Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Maximo C. Landrito sa mga lokal na mamamahayag na dumalo sa ginanap na ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’ ang mga programa at umiiral na polisiyang pangkalikasan na ipinatutupad ng kanilang tanggapan sa lalawigan ng Romblon.
Unang inilatag ng opisyal ang mga pangunahing programa ng PENRO na nakatuon sa mga tabing-dagat, imbentaryo ng salvage zone, libreng pagpapatitulo ng mga lupaing pang-agrikultura at lupang tirahan.
Nagkakaloob din ng serbisyo ang opisina tulad libreng pagtititulo ng mga school site na naglalayong matulungan ang Department of Education na maisaayos ang dokumento ng kinatitirikan ng mga eskwelahan sa buong lalawigan.
Nakatutok din sa pagtatanim ng mga puno sa kabundukan at mga lugar ng bakawan ang PENRO katuwang ang mga opisyales ng barangay bilang pagsuporta sa National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Samantala, pinaiigting ng DENR-PENRO ang pagtukoy at pagtatasa sa mga establisyementong lumalagpas sa easement zone, kung saan ilan na sa mga nakitaan ng paglabag ang kanilang napadalhan ng paabiso.
Aniya, nakapagsagawa na ng imbentaryo ang kanilang grupo sa isla ng Tablas at San Jose kung kaya kasunod na nilang tutunguhin ang isla ng Romblon at Sibuyan.
Nilinaw din ni Landrito na ang pagputol ng mga puno sa national highway na ginagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa kanilang road widening projects ay dapat munang i-endorso ng kalihim ng kagawaran sa DENR bago nila ito aksyunan.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)