Hinihiling ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa kanila upang mapanatiling ‘drug-cleared province’ ang Romblon.
Sa ginanap na ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’ kamakailan, sinabi ni Agent Ed Bryan Echavaria, provincial officer ng PDEA, na nagpadala na sila ng sulat sa mga opisyales ng barangay sa bawa’t bayan na nagmumungkahing dapat nilang paunlarin at gawing aktibo ang kanilang Association of Barangay Captains (ABC) – Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).
Matatandaan na noong Nobyembre 13, 2017 ay idineklara ng PDEA-Mimaropa na “drug-cleared province” ang Romblon kaugnay ng puspusang kampanya laban sa drug trade dahil natugunan ng lalawigan ang mga rekisitos at pumasa rin ito sa ebaluwasyon ng ahensiya.
Ikalawang lalawigan ito sa bansa na naideklarang drug-cleared sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng Batanes.
Sa Kapihan sa PIA, aminado ang opisyal ng PDEA na nagka-problema sila sa kasalukuyan sapagkat mayroong dalawang opisyal mula sa Romblon ang napasama sa listahan ng narco-politician na inilabas kamakailan.
Aniya, dapat patunayan ng dalawang opisyal (hindi na binanggit ang pangalan) na hindi sila sangkot sa iligal na droga upang mapanatili ang titulo ng lalawigan bilang malinis sa ipinagbabawal na gamot.
Aniya, posibleng bawiin ang deklarasyon ng pagiging drug-cleared ng Romblon kapag hindi nakipagtulungan sa PDEA ang dalawang nababanggit. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)