Isang linggo matapos ang sunog na nangyari sa Admin Building ng Romblon State University, wala parin umanong final result ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection – Odiongan sa insidente.
Sa panayam ng programang Mata ng Bayan sa Radyo Natin Odionga nitogn Sabado kay Senior Fire Officer 2 Joey Selorio ng BFP-Odiongan, sinabi nitong patuloy na iniimbestigahan ng mga imbestigador ng BFP-Odiongan ang maaring pinag-mulan ng sunog.
Ilan umano sa tinitingnang angulo ng sunog ay ang short circuit dahil umano sa lumang mga linya ng kuryente na meron ang building at ang arson o ang pagsadya sa nasabing sunog.
“Hindi naman maitatago yung mga indicator kung saan talaga nagsimula,” pahayag ni Selorio.
Paliwanag pa ni Selorio, nagsimula umano sa gitnang bahagi ng ikalawang palapag ng admin building ang sunog.
Hindi naman naniniwala si Romblon State University President Dr. Arnulfo De Luna na maaring overload ang sanhi ng sunog, kagaya ng mga kumakalat sa ilang post sa socia media.
Ayon kay De Luna ng makapanayam rin sa parehong programa nitong Sabado, walang pasok noong panahong yun kaya walang mga appliance na nakabukas. Paliwanag ni Dr. De Luna na ang overload ay nangyayari lang kung hindi kinaya ng kuryente yung dami ng appliances na sabay-sabay na nakabukas.
Sinabi pa ni Dr. De Luna na aantayin nalang umano nila ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection – Odiongan patungkol sa nangyari sunog. Aniya, malaking dagok sa kaban ng bayan ang masunugan lalo na umano kung pag mamay-ari ng gobyerno.
“I-demolish nalang yung luma at magtatayo ng bagong building kasi parehas lang naman ang gagastusin,” pahayag ni Dr. De Luna. Maaring makaapekto rin umano sa kalidad ng building kung ipapaayos lang ito.
Samantala, ipinagutos na rin ni Dr. De Luna na mag rewiring sa mga lumang building ng unibersidad para masiguro na hindi pagmulan ng sunog ang mga lumang linya ng kuryente.