Makaraan ang labing apat na araw na pagtutulungan ng mga volunteers at sponsors sa pangunguna ng Corcuera Municipal Police Station, naipagkaloob na kay Lola Orchid Falamig Hutuhot, 62, ang isang bagong bahay na ligtas nitong tutuluyan sa Barangay Gobon sa isla ng Simara.
Malayo sa dating bahay ni Lola Orchid na gawa lang sa nipa at mga pira-pirasong kahoy, ang bagong bahay ay mas ligtas at gawa pa sa yero ang bubong na siguradong hindi tutulo tuwing umuulan.
Ayon kay Police Inspector John Anthony Angio, OIC ng Corcuera Municipal Police Station, ipinost ng kanilang istasyon sa social media ang kalagayan ni Lola kaya nakakuha sila ng mga sponsors para matulungang mapaayos ang bahay ni Lola.
Mag-isang nakatira sa bahay si Lola Orchid at hirap sa buhay kaya hirap rin siyang maipaayos ang lumang bahay.
Maliban sa pagpapaayos ng bahay ni Lola, binigyan rin ng Corcuera Municipal Police Station ng libreng mga gamit si Lola kagaya ng aparador at mga gamit sa kusina.
Lubos naman ang galak ni Lola Orchid ng matanggap niya ang mga regalo. Pinasalamatan rin niya ang lahat ng sponsors sa pangunguna ng Corcuera Municipal Police Station na nagbigay sa kanya ng kumportableng matitirhan.