Pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon ang mga fish dealer na kumuha ng local transport permit sa Municipal Treasurers Office bago ibiyahe sa karatig lalawigan at bayan ang kanilang napakyaw na isda upang maiwasan ang pagmumulta at pagkakumpiska nito.
Ayon kay Edgardo M.Molina, agriculture technologist/fishery section ng Office of the Municipal Agriculturist, ngayong ikalawang quarter ng 2018 ay mayroon silang apat kataong nahuli na lumabag sa section 98 ng ipinaiiral na Comprehensive Municipal Fishery Ordinance (CMFO) at halaw din sa section 125 ng RA 8550 as amended by RA 10654.
Ang mga ito aniya ay nahuling nagta-transport ng isda galling ng bayan ng Romblon patungong Tablas island nang masabat sa laot ng mga tauhan ng PNP Maritime Group, Municipal Fishery Enforcer at Bantay Dagat.
Ang mga nahuli ay pinagmulta ng P2,500 sa unang paglabag at kinumpiska rin ang isdang nakita sa kanilang mga bangka.
Sinabi pa ni Molina na ginagawa lamang nila ng maayos ang kanilang trabaho bilang pagsunod sa direktiba ng Bureau of Fish and Aquatic Resources (BFAR) na ipatupad ang Republic Act 8550 as amended by RA 10654 at maging ang CMFO ng pamahalaang bayan ng Romblon upang walang isda na nahuhuli sa iligal na paraan. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)