Pinadalhan ng liham ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Romblon ang mga may-ari ng ilang estblisyemento sa isla ng Tablas at San Jose na nag-uutos na baklasin ang mga ito matapos makitaan ng paglabag sa umiiral na Water Code of the Philippines.
Sa Kapihan sa ‘Philippine Information Agency (PIA)’, sinabi ni Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Maximo Landrito, ang inilabas nilang kautusan ay batay sa resulta ng kanilang ginawang inventory sa dalawang nabanggit na isla kung saan maraming mga kongretong establisyemento ang lumagpas sa coastal easement zone na itinakda ng batas.
Ayon pa kay Landrito, tanging notice of violation o kaya’y notice to vacate lamang ang kanilang inihahain sa ilang nagmamay-ari ng hotel, resorts at restaurants na kinakitaan ng paglabag sapagkat walang police power ang kanilang ahensiya.
Aniya, mahinahon din nilang kinakausap ang mga may-ari ng establisyementong may paglabag na kusang loob na lamang na buwagin upang hindi na umabot pa sa puntong pwersahan itong tibagin ng lokal na pamahalaan.
Ang hakbang na ito ng PENRO ay pagtalima sa paglilinis na ipinaiiral ng pamahalaan laban sa mga negosyanteng may paglabag sa umiiral na regulasyon.
Pabor naman ang LGU sa ginagawang hakbang ng pamahalaan laban sa istrukturang halos umabot na sa dagat gayundin sa paglabag sa Solid Waste Management Act.
Ayon sa Lmga lokal na opisyal, hindi nila nanaisin na sila’y matulad sa Boracay na ipinasara ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa napakaraming paglabag sa batas pangkalikasan.
Simula ngayong Hulyo, ang DENR-PENRO ay tutungo sa isla ng Romblon at Sibuyan upang magsagawa ng imbentaryo sa mga establisyementong nakatayo malapit sa dagat, ilog, sapa at sewerage system sa lugar. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)