Mahigit 900 katao ang nakinabang sa isinagawang mobile services ng Professional Regulation Commission (PRC) – Lucena na ginanap kamakailan sa Romblon State University sa bayan ng Odiongan.
Ang aktibidad ay naglalayong mabawasan ang gastusin ng mga aplikante sa 2018 Board of Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) kung kaya minarapat ng PRC sa pakikipag-ugnayan ng Public Employment Service Office (PESO) na isagawa sa probinsiya ang pagpoproseso ng aplikasyon ng mga kukuha ng pagsusulit.
Ayon kay PESO Provincial Manager Alice C. Fetalvero, nasa 933 ang nai-prosesong aplikasyon para sa buwan ng Sityembre.
Taun-taon aniya ay inilalapit ng PRC sa mga taga-Romblon ang ilan sa serbisyo ng ahensiya.
Bunsod ng pagdagsa ng mga aplikante, inabot pa ng hahanggang gabi ang mga tauhan ng PRC para lamang tanggapin ang lahat ng aplikasyon.
Nagpapasalamat naman ang mga aplikante sa PRC sapagkat malaking tulong sa kanila ang nabanggit na serbisyo, dahil bukod sa mabilisang pagproseso ng kanilang aplikasyon, malaki umano ang kanilang natitipid sapagkat hindi na nila kailangan pang lumuwas ng kamaynilaan upang magtungo sa PRC.
Ang lalawigan ng Romblon ay karaniwang kasama sa listahan ng mga Testing Center para sa second phase ng BLEPT na ginaganap tuwing buwan ng Marso at Sityembre kada taon.
Samantala, 62 na bagong guro naman ang pormal na nanumpa sa kanilang tungkulin sa pangunguna ni Benigna Mendoza, senior officer ng PRC-Lucena.
Ang katatapos na seremonya ay sinaksihan nina Governor Eduardo C. Firmalo, RSU President Arnulfo De Luna at magulang ng mga bagong guro na pumasa sa BLEPT noong Marso 2018. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)