Kasunod ng ulat na pagkakaroon ng casualty dahil sa sakit na dengue sa bayan ng San Andres nitong nakaraang Linggo, nagsagawa na ang mga tauhan ng Department of Health ng misiting activity sa ilang kanal at pamamahay sa lugar para mabawasan ang mga lamok rito.
Sa report ng San Andres Municipal Police Station, kasama nilang nag-ikot ang mga tauhan ng Department of Health MIMAROPA, Department of Health Romblon, at mga tauhan ng Rural Health Unit.
Makakatulong ang pagkakaroon ng misting activity para mabawasan at ma kontrol ang mga lamok na may dalang dengue at chikungunya virus.
Nagkaroon na rin umanong seminar ang mga tauhan ng Rural Health Unit sa mga barangay hinggil sa pagpuksa sa lamok na pinagmumulan ng dengue kung saan tinalakay ang 4s (search and destroy, self protection measures, seek early consultation and say no to indiscriminate fogging) upang hindi na dumami pa ang kaso ng ganitong uri ng sakit.
Paalala naman ng mga opisyal ng DOH na kung sakaling may nararanasan na sintomas ng dengue, isugod agad sa pinakamalapit na hospital para maagapan.
Ang mga taong nahawa umano ng dengue virus ay karaniwang walang nakikitang sintomas (80%) o mayroon lamang mga banayad na mga sintomas tulad ng lagnat na walang komplikasyon. Ang ibang kaso naman ay mayroong mas malubhang karamdaman (limang porsiyento) at sa isang maliit na bahagi ito ay nagbabanta sa buhay. Ang panahon ng inkubasyon ay mula 3-14 na mga araw, ngunit mas madalas ito ay apat hanggang pitong araw.
Madalas na nakararanas ang mga bata ng sintomas katulad ng sa karaniwang sipon at gastroenteraytis, at karaniwang mayroong mas hindi malubhang mga sintomas kaysa sa mga nasa hustong gulang, ngunit mas madaling kapitan ng mga malubhang komplikasyon.