Tiklo ang dalawang lalaki sa Romblon, Romblon sa isang anti-illegal drug ‘buy-bust’ operation ng mga tauhan ng Romblon Provincial Intelligence Branch – Drug Enfrorcement Unit, Romblon Municipal Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency – MIMAROPA at ng Romblon Provincial Mobile Force Company.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-11 ng umaga nitong Sabado, July 28, sa Barangay Cajimos, Romblon, Romblon laban sa mga suspek na sina Robert Benedicto Fabella Leaño, 43-anyos, residente ng Tabin-Dagat, Odiongan at Noel Fadullo Quiambao, 38-anyos, residente ng Barangay 3, Romblon, Romblon.
Ayon sa pulisya, nabilhan nila si Leaño ng isang plastic sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu habang si Quiambao naman umano ang tumanggap ng pera na ginamit ng mga pulis bilang buy-bust money.
Samantala habang kinakapkapan di umano ng pulisya ang mga suspek ay nakuha pa sa kanila ang isa ring plastic sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu.
Sa spot repot na pinadala ng Romblon Provincial Police Office sa Romblon News Network, isinagawa ang body search sa presensya ng mga representative mula sa Barangay at ng Department of Justice.
Nakakulong na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 6 ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.