Nasa 41.81% na di umano ang natatrabaho sa ginagawang Olango Bridge sa Barangay España, San Fernando, Romblon, ayon sa dukomentong nakuha ng Romblon News Network sa Department of Public Works and HIghways – Romblon District Engineering Office.
Pirmado ang dokumento nina Engr. Dante Fetalvero, Project Engineer; Engr. Alan Salvador, Hepe ng Construction Section; at Engr. Napoleon Famadico, District Engineer.
Ayon sa dokumento, January 05, 2016 pa sinimulang gawin ang tulay at dapat matatapos lamang sa loob ng 300 calendar days ngunit dahil di umano sa kakulangan ng equipment, manpower, at resources; at dahil rin umano sa unworkable site condition dahil sa laging pag-uulan kaya hindi ito natatapos.
Inilabas ang dokumento matapos na humingi ng update ang Romblon News Network sa DPWH-Romblon kaugnay sa proyekto kasunod ng balitang may ilang pasyente ang pahirapang maitawid sa ilog para lang madala sa ospital.
Batay sa dokumento ang nasabing kontratang 500 meter steel girder bridge ay nagkakahalaga ng aabot sa P42,232,859.47 at ipinagkaloob ang kontrata sa Arky Construction and Supply na nakabase sa Quezon City.
Nangako umano sa DPWH-Romblon na matatapos ng contractor ang project bago ang October 31, 2018.
As of July 15, patuloy naman umano ang construction at katunayan meron umano silang 27 na tauhan na nagtatrabaho sa tulay kasama ang project engineer.