Sumuko sa mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station si Calatrava Vice Mayor Cyril Dela Cruz dahil sa kasong paglabag sa Article 172(2) ng Revised Penal Code.
Sa report na nakuha ng Romblon News Network galing sa Romblon Police Provincial Office, bandang 3:40 ng hapon nitong Lunes ng sumuko si Vice Mayor Dela Cruz dahil sa warrant of arrest na nilabas ng 1st Municipal Circuit Trial Court.
Nakapag piyansa naman agad ng P12,000 si Dela Cruz para sa kanyang kalayaan.
Ang parehong kaso rin ang dahilan kung bakit pinasuspendi ng Ombudsman si Dela Cruz nitong nakaraang January.
Nag-ugat ang kasong ito ng maghain ng Election Protest si Vice Mayor Dela Cruz sa Office of the National Commission on Indigenous People laban sa pagkakahal ni Reandelar bilang Bantoanon Tribal Chieftain ng Poblacion, Calatrava, at bilang IPMR ng Munisipyo.
Dapat umano ay si Vice Mayor Dela Cruz, na dating Vice Chieftain noon, ang dapat umupo bilang Tribal Chieftain matapos mamatay ang dating Chieftain na si Noe Fetalino.
Subalit, kinampihan si Reandelar ng NCIP at ng Ombudsman at sinabing pinike umano ni Vice Mayor Dela Cruz ang ilang pirma sa election protest.
Nauna ng sinabi ni Vice Mayor Dela Cruz sa Romblon News Network nitong January na walang kinalaman sa pagiging Vice Mayor niya ng bayan ng Calatrava ang nasabing kaso.