Isang buhawi ang nanalasa sa Barangay Poctoy sa bayan ng Odiongan, Romblon mag-aalas 4 ng hapon ngayong araw, July 14.
Natanggalan ng bubong ang bahay ni Aubrey Tan, 38, matapos liparin ng malakas na buhawi.
Sa lakas ng buhawi ang ilang yero ng bahay ang sumabit sa mga puno ng nasa likod ng isang paaralan na katabi ng kanilang bahay.
Ayon sa mga saksi na nasa bahay ni Tan, kasabay ng malakas ng ulan ay bigla umanong may malakas na hangin at maya-maya pay isa-isa ng natanggal ang kanilang mga bubong.
Wala namang nasaktan sa mga tao na nasa bahay noong mga oras na nangyari ang insidente.
May dalawang poste rin ng kuryente ang nabali na nadaanan rin ng buhawi na nagresulta ng pagkawala ng kuryente sa buong bayan ng Odiongan.
Dumating naman agad ang mga tauhan ng Tablas Island Electric Cooperative o TIELCO sa lugar para ayusin ang nasabing kuryente.
Ayon sa kanila, tatagal ng hanggang apat na oras bago mabalik sa normal ang supply ng kuryente. Kailangan umano kasing maglagay ng bagong poste pamalit sa mga nabali.
Halos buong araw na inulan ang lalawigan ng Romblon dahil parin sa hanging habagat na nagpapaulan sa kalakhang MIMAROPA Region.