Nakatanggap ng libreng binhi ng palay ang 50 magsasaka mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Romblon.
Ang pamamahagi ng binhi ay isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Romblon, sa pangangasiwa ng Office of the Municipal Agriculturist at pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA)-Mimaropa.
Ang mga ipinamahaging binhi ng palay ay nasa ilalim ng High Yield Technology Adoption-Inbred Rice Project ng DA kung saan ang palay seeds na ito ay inangkat pa mula sa Occidental Mindoro.
Layunin ng proyekto na matulungan ang mga mahihirap na magsasaka upang umangat ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mga ayudang ipinagkakaloob ng pamahalaan.
Bago ang pamamahagi ng ayuda para sa mga magsasaka, nagkaroon muna ng maikling pagpupulong kung saan sinabi ni Municipal Agriculturist Raymund Juvian Moratin na walang kaakibat na kabayaran o kondisyon sa kanila ng ibinahaging binhi.
Hinihikayat ng LGU Romblon ang mga magsasaka na magsimula nang magtanim ng palay ngayong nakararanas na ng pag-ulan upang pagsapit ng buwan ng Oktubre ay makakapag-ani na ng kanilang produkto.
Ayon kay Mayor Mariano M. Mateo, nais niyang maging self-sufficient at self-reliant ang sektor ng agrikultura basta ito ay sumusunod sa maayos na programa na pinagtutulungan ng DA at pamahalaang lokal.
Layunin aniya ng kasalukuyang administrasyon na palakasin ang mga palay growers association para ang pangangailangan ng binhi ng mga ito ay mismong manggagaling na sa mga magsasaka ng Romblon.