Paparangalan ang mga wika ng Mangyan ngayong araw sa pamamagitan ng pagpapasinaya ng Bantayog Wika sa San Jose, Occidental Mindoro.
Pangungunahan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) at ng Bayan ng San Juan ang pagpapasinaya sa Bantayog Wika sa Danghayan Center for Culture and the Arts, Municipal Tourism Compound, Aroma Beach.
“Ang Mindoro ang isa sa mga mayayamang pangkatin etniko sa Pilipinas. Tinatayang mayroong siyam na wika ang Mangyan,” sabi nI John Leery Dungca,project coordinator ng KWF sa panayam sa programang “Mimaropa Ngayon” na sumasahimpapawid sa Radyo Pillipinas.
“Lahat ng wika sa Pilipinas ay nilalayon naming patayuan ng Bantayog Wika. Nagkataon lang na ang pamahalaang bayan ng San Jose ang unang tumanggap sa proyekto,” sabi ni Dungca.
Ang proyekto na nasimulan noong nakaraang taon at suportado ng tanggapan ni Senador Loren Legarda.
Ayon naman kay Atty. Anna Katarina B. Rodriguez, ang Direktor Heneral ng KWF, pangunahing layunin ng Bantayog Wika na idambana ang isang pamanang bayan dahil sa mahalagang papel nito sa pagbuo at pagpapatibay ng pambansang identidad (pagkakakilanlan).
“Hindi lamang ito sumasalamin sa yaman ng mga wika kundi kakakitaan din ng mga kaalamang pang-kultura ng pamayanang kinapapalooban nila. Sa ganitong paraan, lalalim ang tangkilik at pagpapahalaga ng mga Filipino sa mga yamang nakapaloob sa kanilang katutubong wika, sabi ni Rodriguez sa isang sulat na ipinadala sa PIA-Mimaropa.
Si Atty. Rodriguez ay sasamahan sa pagpapasinaya nina San Jose Mayor Romulo Festin, Municipal Tourism Head Michelle Rivera, Occidental Mindoro State College President Marlyn G. Nielo at Sentro ng Wika at Kultura Direktor Arnulfo Villanueva. (Lyndon Plantilla, PIA)