Karaniwan na nakikita ang kahalagahan at kahusayan ng isang tao kapag pumanaw na. Kasi naman, kapag nawala na siya, lumalabas ang mga magagandang papuri sa kaniyang mga nagawa nu’ng nabubuhay pa… tulad kay Roilo Golez.
Talaga namang marami ang nabigla sa pagpanaw ni Golez, 71-anyos nitong Lunes matapos na atakihin sa puso. Kahit nga ang mga kaanak niya, hindi makapaniwala sa nangyari dahil may nakatakda pa siyang interview na kaniyang pinuntahan. Pero hindi na natuloy ang panayam dahil sa kaniyang biglaang pagkawala. Take note: Jose Roilo ang name niya— hindi Rogelio na ginawa ng tropa ni Sec. Andanar.
Bago siya nawala, madalas na mabasa ang kaniyang pangalan bilang pangunahing kritiko ng China dahil sa pang-aagaw sa mga teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea, kasama na ang West Philippine Sea. Eksperto kasi siya sa usaping ito bilang dating National Security Adviser. Pero hindi lang iyon, sadyang malapit sa puso ni Golez ang isyu ng pakikipaglaban sa karapatan ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo dahil naging bahagi siya sikretong misyon noong 1971 na magdala ng mga sundalo at kagamitan sa Kalayaan Island Group sa Spratlys.
Kaka-graduate lang noon ni Golez sa US Naval Academy (Annapolis) at naitalaga siya bilang Gunnery Officer ng RPS Quezon (PS 70), ang barko na ginamit sa mga sikretong misyon sa Spratlys. At nang maging kongresista ng Paranaque simula noong 1992 (hanggang 2010), naging bahagi na ng kaniyang adbokasiya ang pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo.
At biruin niyo, noong 1999, sa isa niyang privilege speech, nagbabala siya sa pamahalaan na bantayan ang Scarborough Shoal dahil ito ang susunod na pupuntiryahin ng China. Nang panahon kasing iyon, nagsimula nang maglagay ng mga “temporary shelter” ang China sa ilang teritoryo na Pilipinas na inaagaw nila gaya ng Mischief Reef. At hindi nagtagal, nangyari na nga ang babala ni Golez noong 2012 nang hindi na umalis doon ang mga barko ng China. Ngayon, nakikiusap ang pamahalaan natin na payagang makapangisda doon ang mga kababayan nating Pinoy.
Walang duda ang pagiging makabayan ni Golez at ayaw na ayaw niyang iniinsulto ng ibang lahi ang mga Pinoy. Noong 2009, hinamon niya ng boksing kahit isang round lang para masapak niya ang HK Magazine columnist na si Chip Tsao na tumawag sa Pilipinas na “nation of servants.” Madali lang intindihan ang gustong sabihin ni Chip dahil marami sa mga kababayan natin sa HK ang nagtatrabahong kasambahay. At bilang “nation of servants,” wala raw karapatan ang mga Pinoy na angkinin ang Spratlys mula sa “master” na China.
Kung tinanggap ni Chip ang hamon, tiyak na may kalalagyan siya dahil dating undefeated brigade boxing champion ng apat na taon sa United States Naval Academy ang noo’y kongresistang si Golez.
Bilang kongresista, maliban sa kaniyang mga nagawa sa Paranaque, marami rin siyang inihain at sinuportahang mga panukalang batas. Marami rin siyang isinagawang kontrobersiyal na mga pagdinig bilang chairman ng House Committee on Public Security.
Kabilang na diyan ang pagpapatawag niya sa umano’y jueteng lord ng Central Luzon na si Bong Pineda, na sa unang pagkakataon ay napaharap sa imbestigasyon ng Kongreso. Gayundin ang kontrobersyal noon na “gambling expert” na si Atong Ang. Hindi rin niya pinalampas ang kontroberyal na paglutang ng tinatawag na H-World United Nations Philippine Military Government International Police Commission ni Royette Padilla— utol ng mga tigasing Padilla Brothers sina Robin Padilla, Bebe Gandanghari(Rustom) at Rommel Padilla.
Pagdating sa prinsipyo, naninindigan din si Golez gaya nang pag-alis niya sa botohan noon sa Kamara sa Reproductive Health bill dahil hindi siya sang-ayon sa utos ng partido na bumoto pabor sa panukala. At alam ba ninyo kung bakit “violet” ang kulay na madalas niyang isuot at maging sa politika, dahil ito ang kulay ng mga katulad niyang deboto ng Nazareno ng Quiapo, kulay ng katarungan at kulay ng katapangan.
Noong 2001 elections, maugong ang pangalan ni Golez na kabilang sa mga napupusuan na tumakbong senador. Iyon nga lang, dahil na rin sa dami ng mga bigatin na kakandidato at mas may pera na panggastos sa kampanya, pinili niyang huwag tumakbo. Sadya yatang iba ang kapalaran niya dahil kinalaunan ay itinalaga siyang national security adviser ng noo’y si Pangulong Gloria Arroyo.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)