Handa na ang lalawigan ng Romblon para sa gaganaping Mimaropa Regional Development Council (RDC) Full Council meeting bukas, June 07, sa bayan ng Odiongan.
Ito ay ayon kay Mr. Jun Ylagan ng Governor’s Office ng makapanayam ng mga mamahayag sa ginanap na ‘Kapihan sa PIA-Romblon’ nitong Miyerkules.
Sinabi ni Ylagan na nasa Odiongan na ang mga regional directors ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kagaya ng sa Department of Trade and Industry, Department of Tourism, Department of Science and Technology at iba pa.
Dumating na rin kahapon ang gobernador ng lalawigan ng Occidental Mindoro na si Mario Gene Mendiola.
Inaasahang tatalakayin sa meeting ang Annual Investment Programs para sa lahat ng regional line agencies; ang Oriental Mindoro Plan for Multiple Projects Development, ang pagsama ng mga LGU sa Club of Most Beautiful Bays in the World; ang pagdaraos ng Mimaropa Festival sa Occidental Mindoro at pagpapalakas ng local culture and arts council sa bawat probinsya.
Ang mga paksang nabanggit ay hango sa mga natalakay sa nakalipas na ika-62 full council meeting.
Magkakaroon din ng ulat hinggil sa mga katayuan ng mga RDC endorsed project at mula sa mga regional project monitoring team.
Nakahanay din para sa RDC approval ang 2017 Regional Development Report, ang pagsasali sa Edible Birds Nest Industry ng Palawan sa may 41 priority commodities for industry study; at pagdaraos ng tourism Investment forum sa Palawan na tatalakay sa mga isyu pang-turismo.
Isinusulong din ng RDC-Social Development Committee (SDC) na makakuha ng endorsement mula sa RDC para hilingin sa Juvenile Justice and Welfare Council na bigyan priyoridad ang pagtatayo at pagpopondo ng Bahay Pagasa sa Romblon.