Matagumpay na naidaos ang regular na pagpupulong ng Mimaropa Regional Development Council (RDC) para sa ikalawang kuwarter ng taon na isinagawa sa Odiongan, Romblon.
Tinalakay dito ang annual investment pogram para sa lahat ng ahensiyang pang rehiyon; mga pang kaunlarang plano para sa mga proyekto ng Oriental Mindoro Plan; pagsama ng mga LGU sa ‘Club of Most Beautiful Bays in the World’; pagdaraos ng Mimaropa Festival sa Occidental Mindoro at pagpapalakas ng local culture and arts council sa bawat probinsya.
Iniulat din sa pagpupulong ang katayuan ng mga in-endorsong proyekto ng RDC mula sa regional project monitoring team na inilatag ni Assistant Regional Director Susan Sumbeling ng National Economic Development Authority (NEDA) Mimaropa.
Samantala, aprubado na rin ng RDC ang regional development report, karagdagang pondo ng ilang ahensiya, pagsali sa Edible Birds Nest Industry ng Palawan sa may 41 priority commodities for industry study at pagdaraos ng tourism Investment forum sa lalawigan.
Nagbigay ng garantiya rin ang RDC sa Social Development Committee (SDC) na kanilang susuportahan at bibigyang prayoridad ang pagtatayo at paglalan ng pondo ng ‘Bahay Pag-asa’ sa Romblon.
Natalakay din ang hinggil sa pagtatatag ng Malaria elimination hub sa Oriental Mindoro, Marinduque at Romblon bilang istratehiya upang matiyak na ligtas na sa nasabing sakit ang tatlong nabanggit na lalawigan.
Kaugnay nito, isinalin ng Department of Health sa LGU ang pamamahala sa mga kagamitan para sa patuloy na masubaybayan ang uri ng sakit na nagmumula sa lamok.
Ang katatapos na aktibidad ay pinangunahan ng NEDA Mimaropa kung saan dinaluhan ito ng mga gobernador ng apat na lalawigan sa rehiyon, mga direktor pang rehiyon ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, mga alkalde at iba pang stakeholders. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)