Kinumpirma ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) – Division of Romblon na aprubado na ang P32 milyong pondo para sa rehabilitasyon ng Gabaldon school building sa Romblon West Central School (RWCS).
Sinabi ni OIC-Schools Division Superintendent Roger F. Capa na ipinarating sa kanya ng DepEd Central Office na aprubado na ang kaniyang kahilingan para isaayos at i-rehabilitate ang Gabaldon building dahil sa may kalumaan na ito.
Aniya, ang Gabaldon school buildings sa RWCS ay itinayo noon pang Enero 5, 1929 at halos nasa 90 na taong gulang na itong naging pandayan ng dunong at talino ng mga Romblomanon.
Naging bahagi na rin ito aniya ng buhay at pangarap ng mga Romblomanon at naging saksi sa mga makasaysayang pangyayari o kaganapan ng probinsiya.
“Masayang masaya po ako sa balitang nakarating sa aking tanggapan sapagkat maisasaayos na ang lumang gusali sa Romblon West Central School at makakaasa po ang lahat na ipipreserba namin ang historical significance nito at pagagandahin ang educational facilities ng dalawang palapag na gusali,” pahayag ni Capa.
Ang DPWH Romblon Engineering District, sa pakikipagtulungan ng mga project engineers ng DepEd Division of Romblon ang mangangasiwa sa naturang proyekto kung saan inaasahan na agad itong masisimulan pagkatapos na dumaan sa bidding.
Nagpapasalamat rin si Capa kina Engr. Cary Villamor Gacutno at Engr. Amado Asturias sa paggawa ng Program of Works (POW) at sa pagfollow-up sa Central Office ng DepEd upang maaprubahan ang proyekto.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)