Pinaghahandaan na ng Provincial Health Office ng Romblon ang posibleng pagkakaroon muli ng mga pasyente na tinamaan ng dengue lalo pa ngayong dengue season o panahon ng tag-ulan.
Ito ang sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Ederlina Aguirre ng makapanayam ng Romblon News Network nitong Sabado.
Ayon kay Aguirre, pinayuhan ni nila ang mga health units na paghandaan ang sakit na dengue sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga information drives sa bawa’t lugar nilang nasasakupan sa kung paano magiging malinis sa kapiligiran.
Sinabi rin ni Aguirre na sa susunod na buwan ay pupulungin niya ang mga opisyal ng Barangay sa bawat bayan maituro sa kanila ang kanilang mga trabaho para mapanatiling malinis sa kanilang lugar at makaiwas sa sakit.
Payo naman ni Aguirre sa bawa’t pamilya ay panatilihing malinis ang kani-kanilang bakuran para hindi pamahayan ng mga lamok na may dala ng nasabing sakit.
Samantala, simula noong January hanggang June 2018, aabot lamang sa 16 na kaso ng dengue ang naitala ng lalawigan ayon kay Dr. Aguirre. Mababa umano ito kesa sa bilang noong nakaraang taon.
“Hindi pa naman kami na babahala kasi mababa pa naman yan at saka sporadic din kaso yung kaso, hiwa-hiwalay yung lugar ng mga pasyente,” pahayag ni Aguirre.