Kasabay ng pagdeklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan ay ang muling pahirapan sa pagtawid ng mga residente ng Sitio Olango, Brgy. España, San Fernando, Romblon sa sa pasira-sirang detour sa lugar.
Nitong Sabado, muli nanamang nasira ng malakas na agos ng ilog ang detour na inilatag para pansamantalang daanan habang ginagawa pa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tulay malapit rito.
Halos buong araw kasing umuulan sa lugar dahil sa hanging habagat na pinalakas pa ng bagyong #DomengPH.
Sa mga litratong kuha ni Jessa Marie Marin Fornal nitong Sabado, makikita ang 5 kalalakihan na binubuhat ang isang motorsiklo para lang maitawid sa ilog.
Nangangamba ang mga residente sa lugar na baka mahirapan sila kung magpapatuloy ang pag-uulan lalo na ang mga estudyante ng Romblon State University na magbabalik eskwela ngayong Lunes.