Sinibak sa pwesto ang mga hepe ng limang Municipal Police Stations sa lalawigan ng Romblon dahil sa mababang performance sa kampanya kontra iligal na droga.
Ang mga sinibak sa pwesto ay mga hepe ng bayan ng San Agustin, Calatrava, Alcantara, Ferrol at Santa Fe.
Ang relieve order na inaprubahan ni PRO MIMAROPA Regional Director, Police Chief Supt. Emmanuel Luis Licup galing sa Oversight Committee on Illegal Drugs (RDCID) ay effective simula pa noong Lunes, June 11.
Sa report ng RDCID, kabilang ang limang hepe sa 24 na hepe sa buong MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) na mahina o mababang performance sa kampanya kontra iligal na droga simula December 05, 2017 hanggang May 31, 2018.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, hepe ng Regional Public Information Office ng PRO MIMAROPA, malilipat sa Palawan Police Provincial Office ang limang hepe.
Ang RDCID ang binuo alinsunod sa PNP Supplemental Operations, guidelines and policies on Anti-Illegal Drug Campaign. Ito ay binubuo ng mga personnel at staff mula sa Regional Police Office ara mag-monitor sa mga ginagawa ng mga hepe patungkol sa kampanya kontra iligal na droga.
Nagpaalala naman si Police Chief Supt. Licup sa natitirang 53 chief of police sa buong MIMAROPA na mababa rin ang performance na mag doble kayod sa kanilang mga anti-criminality operations lalo na sa paglaban sa iligal na droga kung hindi ay matutulad ang kanilang kapalaran sa 24 na nasibak sa pwesto.