Tatlong libong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bayan ng Romblon, Calatrava at San Andres ang nabiyayaan ng libreng gamit pang-eskwela sa unang linggo ng pasukan ngayong taon.
Ito ay sa pamamagitan ng proyektong “Ronda Eskwela” ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation na siyang nakipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) Division of Romblon upang hingin ang listahan ng mga mahihirap na mag-aaral na siyang napiling benepisyaryo.
Layunin ng proyektong ito na matulungan ang mga magulang na na kapos sa pantustos sa gastusin ng kanilang mga anak na nag-aaral.
Sinabi ni OIC – Schools Division Superintendent Roger F. Capa, ang inisyatibong ito ng Foundation ay malaking tulong sa mga magulang dahil hindi na nila iisipin pa ang pagbili ng mga school supplies para sa mga bata.
“Dobleng saya ang naramdaman ng ating mga mag-aaral sa bayan ng Romblon sa pagbubukas ng klase dahil sa pagbisita ng ating Regional Director Gilbert Sadsad na nataon pa sa schedule ng pamamahagi ng mga bag at school supplies ng ABS- CBN Foundation”, ani Capa.
“Muling naipadama natin sa ating mga mag-aaral ang kalinga at pagpapahalaga at naipaunawa sa kanila na sa DepEd, Sila angBida”, pahayag pa ng opisyal.
Nagpasalamat si Capa sa LingkodKapamilya Foundation dahil sa tulong na naipagkaloob ng sa mga mag-aaral upang magkaroon ng sariling gamit pang-eskwela. (DMM/MIMAROPA/Romblon)