Isang unity walk na sinundan ng paglagda sa peace covenant ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ang isinagawa sa bayan ng Romblon kamakailan.
Ang paglahok ng mga kandidato sa naturang aktibidad ay katibayan ng kanilang pagsuporta upang tumulong na magkaroon ng maayos at mapayapang eleksyon sa darating na halalan ngayong Mayo 14.
Ang naturang gawain ay magkasamang itinaguyod ng Philippine National Police (PNP), Commission on Elections (Comelec) at Department of Interior and Local Government (DILG) kasama ang mahigit 300 kandidato sa Barangay at SK Elections mula sa 31 baranggay.
Binigyang-diin naman ni PSInsp. Gemie M. Mallen, chief of police ng Romblon Municipal Police Station na ang tanging hangarin ng gawaing ito ay maipakita ang pagkakasundo at pagkakaisa ng mga mamamayan sa bayan ng Romblon at ang pagsunod ng mga kandidato sa kasunduang lalagdaan upang mapanatili ang isang malinis na eleksyon.
Nangako rin ang kapulisan na masigasig nilang babantayan ang kanilang nasasakupan at ipagpapatuloy ang comelec checkpoint na ginagawa araw araw.
Hangad din nila na mapanatili ang kaayusan sa kanilang nasasakupang bayan upang siguruhin ang kapakanan ng mga mamamayan.
Pinaalalahanan naman ni Commission on Elections Municipal Election Officer Noreen Macaria Miñano ang lahat ng mga kandidato na sumunod sa electoral process.
Nagtapos ang nasabing aktibidad sa pamamagitan ng sabayang pagbigkas ng mga kandidato sa covenant na kanilang nilagdaan.(CLJD/DMM-PIA MIMAROPA)