Buwan na naman ng pagtatapos ng mga mag-aaral sa kolehiyo kaya madadagdagan na naman ang puwersa ng mga manggagawa, at ngangawa kapag hindi kaagad nakakuha ng mapapasukang trabaho.
Ang matindi nito , maliban sa nasa 600,000 college grads taun-taon, madadagdagan pa ngayon ang puwersa ng mga manggagawa mula sa unang batch ng mga magtatapos sa K to 12 program.
Matatandaan na isa sa mga ibinida sa pagsusulong ng K to 12 o dagdag na taon sa pag-aaral ng mga estudyante, ay maaari nang mag-aplay sa trabaho ang mga magtatapos [lalo na ang mga mula sa mahirap na pamilya] kung hindi na nila nais pang mag-aral sa kolehiyo.
O kaya naman, kung makapasok na agad sa trabaho pagkatapos ng senior high school ng K to 12, maaari pa rin naman mag-aral sa kolehiyo at puwede na niyang tustusan ang sarili sa pag-aaral nang mabawasan ang gastusin ng pamilya.
Iyon nga lang, batay sa survey ng JobStreet Philippines, nasa 24 na porsiyento lang ng mga kompanya ang bukas sa posibilidad na kumuha ng mga magtatapos ng K to 12. Mas marami pa ring kompanya ang nais na nagtapos sa kolehiyo ang kanilang tatanggapin na mga fresh grad.
At kung galing sa mahirap na pamilya ang karamihan sa mga magtatapos ng K to 12 na inaasahang maghahanap na kaagad ng trabaho, kasama sa makakaribal nila sa pag-aaplay ay ang mga estudyante na galing din sa wala at nagsipagtapos sa kinikilalang “unibersidad ng masa” na Polytechnic University of the Philippines.
Sa nasabing ulat din kasi ng JobStreet Philippines, lumitaw na mas gusto ng mga employer na kunin ang mga fresh grad ng PUP. Ang ilan sa mga dahilan kaya paborito ang PUP grads, hindi sila maaarte sa trabaho, handang matuto sa kanilang ginagawa, at hindi malaking suweldo ang kaagad na hinahanap kung hindi karanasan at oportunidad.
Kung tutuusin, ito rin tiyak ang taglay na mga katangian ng mga magtatapos na senior high school students. Tiyak na kasi na ang magiging unang hangarin nila ay kumita na para makatulong sa pamilya at magkaroon ng dagdag kaalaman at karanasan sa ika nga eh “the real world.”
Sabi sa survey ng JobStreet, ang mga kompanya na handang tumanggap ng K to 12 grads ay iyong mga nasa business process outsourcing (BPO) industry, manufacturing, professional services, retail, at machinery and equipment.
Pero huwag mawalan ng pag-asa o huwag panghinaan ng loob ang mga K to 12 grads dahil nangako naman ang business groups [na kinabibilangan ng Philippine Chamber of Commerce Inc., Makati Business Club, IT and Business Process Association of the Philippines, Management Association of the Philippines, People Management Association of the Philippines, at Joint Foreign Chamber of the Philippines] na tutuparin nila ang kanilang dating pangako na tatanggap sila ng mga senior high school graduates.
Kaya naman sa mga college at K to 12 grads na nais nang magtrabaho, sipagan lang ang paghahanap ng trabaho at pag-aaplay sa online at mga job fair. Huwag maging si “Juan Tamad” na nakatihaya lang at naghihintay sa pagbagsak ng bayabas. Sa dami ng mga graduates at walang trabaho, unahan ‘yan at hindi yan ulan na babagsak na lang sa iyo.
Kung hindi kaagad matangap, huwag sumuko o panghinaan ng loob. At gaya sa pag-ibig, hintayin ang nakatakda na para sa iyo na masasabing mong, ito na ang “the one.”
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)