Malamang na madagdagan mga tsong ang mga mambabatas na aayaw sa produkto ng isinasagawang paghimay ng binuong Consultative Committee sa 1986 Constitution na ang misyon ay baguhin o dagdagan ang mga probisyon sa ating Saligang Batas.
Pangunahing misyon ng ConCom sa gagawing Chacha o Charter Change ang pag-aaral na palitan ang sistema ng pamamahala sa bansa tungo sa pederalismo. Sa totoo lang, tiyak na marami sa ating mga kababayan ang hindi pa nakauunawa kung anong kaibahan ng pederalismo kumpara sa pinaiiral nating sistema ngayon.
Tanong nga ng ating kurimaw na panay ang reklamo na wala nang mabiling NFA rice sa kanto, babaha raw ba ng bigas at bababa ang singil sa kuryente ng Meralco kapag naging pederalismo na tayo? Mawawala na raw ba ang mga adik at kawatan kapag natuloy ang sinasabing pagpapalit ng sistema?
Pero habang hirap pa ang marami sa atin na unawain kung anong ba a ng pederalismo, mas madali namang unawain ang isa pang nais mangyari ng ConCom kapag natuloy ang Chacha—ang maglagay ng probisyon na ipagbabawal ang “turncoatism” o iyong walang patumanggang pagpapalit-palit ng partido.
Tinatawag din na “balimbing,” “political butterfly,” at kung minsan at “political prosti” ang mga politikong nasa ganitong partido ngayon, biglang nasa kabilang partido na bukas.
Kapag natuloy ang mungkahing ito ng ConCom, tiyak na marami ang malulungkot, lalo na ang mga politikong oportunista, sigurista at walang pakialam sa partido. Marami kasi mga politiko, umaanib lang sa partido na malakas o iyong namamayani gaya ngayona PDP-Laban para sa personal na kapakinabangan.
Aba’y bago ang 2016 election at bago manalo ang pambato ng PDP-Laban na si Pangulong Mayor Duterte, kasya lang siguro sa jeep ang mga miyembro ng PDP-Laban. Pero nang matapos na ang halalan at nanalo si Duterte, biglang dumami ang mga lumipat sa kanila.
Kung sabagay, kailangan ng partido na magparami ng miyembro para makuha ang suporta ng mayorya lalo na sa Kamara de Representantes na paramihan ang boto para manalong Speaker. Iyon nga lang, hindi nakatutulong para maging mature ang pulitika sa bansa kapag nagpatuloy ang basta-bastang pagpapalit ng partido, na para bang nagpapalit lang ng brief at panty.
Kung dati ay nakabase ang lakas ng partido sa kanilang “plataporma” o planong gawin sa bansa upang makuha ang suporta ng mga botante, ngayon ay hindi na. Kung mahina ang kanilang mga kandidato, liligawan lang nila ang sikat na kandidato para lumipat sa kanila.
Katunayan, ang isang politiko, kayang lumipat sa dalawa hanggang tatlong partido bago at hanggang matapos ang eleksyon. Papaano ‘yon nangyari? Kung miyembro siya ngayon ng Partido A pero mahina naman, puwede siyang lumipat sa Partido B pagdating ng eleksyon. Iyon nga lang, ang nananalong presidente ay mula sa Partido C kaya lilipat naman si politiko pagkatapos ng halalan.
Kung masusunod ang mungkahi ng ConCom, hindi maaaring lumipat ng partido ang isang politiko dalawang taon bago at matapos ang eleksyon. Ngunit sa totoo lang mga tsong, ilang panukalang batas na ang inihain tungkol dito sa Kongreso pero hindi umusad dahil silang mga mambabatas din ang maapektuhan. Gaya ng Anti-Dynasty Bill na ilang beses nang iminungkahi sa kapulungan pero sa wala rin napala. Kumbaga sa pag-ibig, hanggang pangarap ka na lang kay crush kaya huwag masyadong umasa.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)