Aabot sa mahigit 250,000 katao sa buong lalawigan ng Romblon ang inaasahang boboto sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election ngayong May 14.
Ayon sa pamunuan ng Romblon Provincial Election Supervisor, may 183,279 rehistradong botante ang lalawigan ng Romblon para sa 2018 Barangay Elections at may 70,267 rehistradong botante naman para sa Sangguniang Kabataan o SK Elections.
Odiongan ang may pinakamaraming botante kung saan may aabot sa 27,413, sinundan ng Romblon,Romblon na may 23,292 rehistradong botante.
Ngayong darating na halalan, paalala naman ng ilang grupo sa mga kandidato na gawing ‘eco-friendly’ ang pangangampanya.
Ayon sa grupong EcoWaste Coalition, dapat ay limitahan ng mga kandidato ang ilalabas na leaflets, posters, banner, at iba pang campaign paraphernalia para makatipid sa paggamit ng resources at maiwasan ang pagdami ng basura.