Ipatutupad na simula ngayong taon ng Local Government Unit ng San Fernando, Romblon ang ginawang ordinansa ng Sangguniang Bayan kung saan inuuri bilang Marine Sanctuary ang sikat na Cresta de Gallo na matatagpuan sa Barangay Azagra.
Ayon sa munisipyo ng San Fernando, ang Municipal Ordinance No. 108 ay naipasa pa noong 2017 ng kanilang konseho at na-approve rin ng Sangguniang Panlalawigan bago matapos ang nakaraang taon.
Dahil sa pagiging Marine Sanctuary nito, inaasahang ire-regulate na ng lokal na pamahalaan ang iba’t ibang aktibidad rito katulad ng pangingisda sa paligid.
Nitong nakaraang araw, isang turista ang nagpahayag ng pagkabahal sa pagdami ng kanilang nakikitang wasak wasak na red corals sa lugar at ayon umano sa boatman na kanyang nakausap dahil umano iligal na dynamite fishing kung bakit maraming ganun sa lugar.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pagiging Marine Sanctuary ng Cresta de Gallo ay makakatulong para maiwasan at mabawasan ang nangyayaring iligal na pangingisda malapit sa lugar dahil inaasahang maglalagay ng bantay ang lokal na pamahalaan rito.