Nakipagpulong kamakailan ang Gawad Kalinga (GK) sa Municipal Nutrition Action Officer ng Odiongan at Department of Education (DepEd)-Romblon upang magtatag sa Odiongan ng Kusina ng Kalinga sa Mimaropa.
Iminungkahi ni Patrick Doromal, kinatawan ng Gawad Kalinga na magtayo ng centralized kitchens sa Hilaga at Timog na bahagi ng Odiongan para mapaganda ang school-based feeding program ng LGU Odiongan at DepEd.
Ang pangunahing layunin ng programang ito ay para maging sapat ang nutrisyon ng bawat batang Odionganon upang lumaking matalino at malusog.
“Kapag nasimulan na ang proyekto o programang ito ay mas marami ang mapapakain at mas masisigurado na masustansiya ang ipapakain sa mga bata,” maikling pahayag ni Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Napagkasunduan ng magkabilang panig na isabay rin sa paghahanda ng pagkain ang mga barangay-based at daycare feeding programs para magiging isahan o centralized ang pagluluto ng ipapakain sa lahat ng batang may edad 0-12 taong gulang.(CLJD/DMM-PIA MIMAROPA)