Ang Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon ay magsasagawa ng consumer caravan sa ilang bahagi ng probinsiya ng Romblon.
Ang consumer caravan ay magsisimula sa Mayo 16-Hunyo 2 sa mga bayan ng Corcuera, Calatrava, San Agustin, Banton, Romblon, Santa Fe, San Jose, Magdiwang, Cajidiocan at San Fernando.
Sa programa ng PIA-Romblon sa radyo, sinabi ni DTI Provincial Caretaker Orville F. Mallorca na nilalayon ng programa na magbahagi ng kaalamang pang-mamimili kung kaya nakatakda silang magsagawa ng consumer education o information drive sa mga lugar na kanilang pupuntahan.
Sa pamamagitan din aniya ng Balik Eskwela Diskwento Caravan ay kanilang mabibigyan ng kaunting ayuda ang mga pamilyang Pilipino na naghihikahos sa pananalapi.
Sa diskwento caravan ay mga kagamitang pampaaralan at ilang produktong pambahay lamang ang maaaring mabili sa wholesale price o presyong pang-Divisoria, gaya ng notebook, lapis, ballpen, papel at eraser gayun din ang sabon, sardinas, health drinks at shampoo.
Sinabi rin nito na ang mga ilang produktong nabanggit ay nakuha mula sa mga distributors kaya napakalaki ng matitipid ng mga kababayan natin sa mga kagastusan ngayong pasukan.
Hindi rin aniya ninanais ng programa na direktang makipag-kompetensya sa mga negosyante kaya minarapat nilang di ilapit sa pamilihan (commercial centers) ang diskwento caravan bagkus ay sa mga kampus ng mga paaralan.
Maging ang oras ng pagbebenta ay aabot lamang ng tatlo hanggang apat na oras kada bahagi ng kanilang consumer caravan.
Pang-apat na taon nang ginagawa ng DTI Romblon ang programang ito at kadalasan nilang itinataon sa linggo ng Brigada Eskwela ng DepEd upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magulang at ibang consumer na makapamili ng kanilang pangangailangan bago magsimula ang pasukan.(CLJD/DMM-PIA MIMAROPA)