Dalawang libo animnaraan at walumpo’t isang maralitang senior citizens sa bayan ng Romblon ang tumanggap kamakailan ng kanilang social pension mula sa pamahalaang lokal.
Ang pamamahagi ng pensyon ay ginanap sa covered court ng Romblon Public Plaza sa pangangasiwa ng Municipal Social Welfare and Development Office, Office for Senior Citizen’s Affairs (OSCA) at pakikipagtulungan ng mga empleyado ng munisipyo ng Romblon.
Sinabi ni OSCA Head Lerma M. Erispe na patuloy ang isinasagawang pamimigay ng pamahalaang bayan ng Romblon ng social pension sa mga mahihirap na nakatatanda kung saan may kabuuang PhP4,021,500 ang ipinamahagi nila.
Bawat benepisyaryo ay tumatanggap ng tig-P500 kada buwan at ang kanilang tinanggap ay kabayaran para 1st quarter ng 2018 o mula Enero hanggang Marso.
Ang Local Social Pension for Indigent Senior Citizen Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay alinsunod sa R.A. No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nag-aatas sa lokal na pamahalaan na pagkalooban ng buwanang pensyon ang mga kapus-palad na nakatatanda sa lokalidad upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga ito partikular ang pagkain at gamot.
Sakop ng batas na ito ang mga mahihirap o indigent senior citizens na nanghihina na, sakitin, may kapansanan at walang natatanggap na pension o permanenteng pinagkukunan ng kita o suporta sa miyembro ng pamilya.
Ang mga naturang senior citizens ay nakapasa sa requirement ng DSWD National Household Targeting System for Poverty Reduction kung kaya nakasama sa talaan ng mga pensioners.
Nilalayon ng Social Pension Program na maisaayos ang pamumuhay ng mga mahihirap na senior citizen sa pamamagitan ng pagbibigay ng kakayahan sa mga ito na makabili ng pagkain, gamot at bitamina. (CLJD/DMM-PIA MIMAROPA)