Sugatan ang isang 59-anyos na rider matapos na sumalpok sa kasalubong na L300 van nitong hapon ng Sabado, April 21, sa bahagi ng Tablas Circumferential Road sa Sitio Cogon, Barangay Limon Norte, Looc, Romblon.
Kinilala ang rider na si Isabelo Labor Loquias, court employee at residente ng Odiongan, Romblon.
Ayon sa spot report ng Looc Municipal Police Station, 3:30 ng hapon, patungo sana ng Odiongan, Romblon ang si Loquias sakay ng kanyang motorsiklo ng makasalubong nito ang L300 van na pagmamay-ari naman ng isang simbahan.
Kumabig umano sa kabilang linya si Loquias kaya nasalpok nito ang kasalubong na van na minamaneho naman ni Pastor Henry Corcuera Herrera ng Tablas Babtist Church.
Tumilapon si Loquias at nahulog sa kanal.
Agad naman itong tinulungan ng mga rescuers galing sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Looc, Romblon at dinala sa Romblon Provincial Hospital.
Nagtamo ng sugat at bali sa iba’t ibang parte ng katawan si Loquias samantalang ligtas naman si Herrera at ang kanyang 3 sakay.
Ayon pa sa Looc Municipal Police Station, expired na umano ang driver’s license ni Herrera ng tingnan nila ito.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang aksidente.