Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Romblon ang pagsasagawa ng coastal clean-up drive kahapon sa kahabaan ng dalampasigan ng Sitio Bonbon, Brgy. Lonos, Romblon.
Ang naturang aktibidad na may temang “Araw ng Magigiting na Taga-pangalaga ng Ating Kapaligiran”, bilang pakikiisa ng pamahalang lokal ng Romblon sa selebrasyon ng Araw ng Kagitingan ngayong taon.
Layunin ng sama-samang pagkilos na ipakita na seryoso ang pamahalaan na mapanatiling malinis ang kapaligiran at mga dalampasigan pati na rin ang hanging nilalahanghap partikular sa mga pook pasyalan na kadalasang pinupuntahan ng mga tao lalo na ngayong summer.
Ito ay naglalayon ding mapaangat ang kamalayan ng bawat tao upang mapangalagaan ang karagatan at hikayatin ang mga mamamayan na iwasang magtapon ng anumang uri ng basura sa mga baybayin.
Personal na pinangunahan ni MDRRM Officer Caesar Saul M. Malaya, ang pamumulot ng mga basura sa dalampasigan ng Bonbon beach. Kanyang pinaalalahan ang mga residenteng naninirahan malapit sa dalampasigan na marapat aniyang sila mismo ang mangasiwa sa pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang paligid.
Ang Bonbon beach ay pangunahing dinarayo ng mga turista kapag ganitog panahon at paborito itong pagtampisawan ng mga mahihilig lumangoy sa dagatdahil sa napakalinaw na tubig at maputing buhangin nito.
Ang coastal clean-up drive ay nilahukan din ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Romblon PPO, Romblon Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), Phil Coast Guard, Department of Education (DepEd), PNP Maritime Group, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Red Cross, Romblon Municipal officials and employees at iba pang ahensiya ng gobyerno.(CLJD/DMM/PIA-MIMAROPA)