Nais ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na mag enjoy ang mga bisita sa Odiongan, Romblon ngayong linggo kung saan pinagdiriwang ang Kanidugan Festival 2018 at ang 171st Foundation Day ng bayan ng Odiongan.
Sapat rin umano ang pagkain sa palengke ng Odiongan para punan ang pangangailangan ng mga bisita.
Sa panayam kay Mayor Fabic nitong Lunes sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon, sinabi ng alkalde na pinaghandaan ng palengke ang pagdagsa ng mga bisita katulad ng ginawa sa MIMAROPA Festival noong nakaraang taon.
Mahigpit rin nilang pinatutupad ang price ceiling ordinance ng Odiongan kung saan isa sa mga vendor ay pinagmulta matapos magtinda ng isda na higit sa price ceiling ang presyo.
Ipinatutupad na rin umano ng mga kapulisan sa Odiongan ang ginawang security plan ng Odiongan Municipal Police Station para sa buong pagdiriwang ng Kanidugan Festival 2018 at ang 171st Foundation Day.
Marami na rin umanong mga motor ang na-impound sa opisina ng Land Transportation Office at sa labas ng Police Station matapos na mahuli ng mga otoridad na walang OR/CR, o di kayay minor ang nagmamaneho o walang lisensya.
Sinabi rin ng alkalde na ang Kanidugan Festival 2018 Street Dance Competition ang isa sa mga highlight ng nasabing event kung saan may 6 na grupo o tribu galing sa iba’t ibang bahagi ng Tablas ang maglalaban laban para sa P250,000 na premyo.