Pito katao ang nagtamo ng slight injury matapos na masangkot sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Calatrava nitong Sabado ng hapon.
Sa report na nakarating sa opisina ni Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, bandang ala-una ng hapon ng mangyari ang aksidente sa bahagi ng Tablas Circumferential Road sa Barangay Poblacion, malapit sa Calatrava Municipal Fish Port.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing Barangay San Roque at patungong Poblacion ang grupo ni Wilky Romero Ferrancullo, 43-taong gulang, sakay ang 4 katao kabilang ang isang 13-taong gulang na bata at 2-months old na baby, pagdating nito sa may daan patungo sa Calatrava Municipal Fish Port nag tangka itong lumiko ngunit nasalpok ito ng motorsiklo na nasa likod niya na nagtangka namang mag-overtake sa kanila.
Kinilala ang rider ng nasabing motorsiklo na si Van Elrick Falogme, sakay ang isang backride.
Dahil sa salpukan, tumilapon ang mga sakay ng mga motorsiklo at nagtamo ng slight injury sa katawan. Ligtas na ang lagay ng mga naaksidente kabilang ang sanggol.
Ayon sa pulisya, mag-uusap nalang umano ang dalawang grupo sa Barangay.
Batay sa batas, bawal magsakay ng mga maliliit na bata sa motorsiklo lalo na kung sanggol ang mga ito.