Aabot sa 100 lechong baboy ang pinarada paikot sa Public Park ng Looc, Romblon ngayong araw para sa kauna-unahang Lechon Festival sa kanilang lugar. Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Talabukon Festival sa bayan.
Matapos iikot sa plaza ay sabay-sabay itong pinaghahati at pinagsalusaluhan ng aabot naman sa mga 5,000 mga residente ng bayan ng Looc at ilang mga bisita.
Ayon sa organizer ng event na tinawag rin nilang One Looc, taon-taon na nila itong gagawin dahil nasayahan ang mga tao sa twist ng pagdiriwang ng kanilang fiesta ngayong taon.
Bago pa iparada ang lechon, nagpakitang gilas muna ang iba’t ibang grupo galing sa 12 barangays ng Looc sa kanilang street dance competion kung saan ang mga mananalo ay uuwi ng cash prizes.
Naglaban-laban sila sa costume, sa final performance, at sa mga pinarada higanteng Talabukon na gawa sa iba’t ibang gamit katulad ng papel at tila.
Naging bisita rin sa selebrasyon ngayong taon ng Talabukon Festival si Philippine Councilors League (PCL) National President Chavit Singson ng Ilocos Sur.