Sabi noon ni Pangulong Digong Duterte, isa sa mga sakit ng ulo niya ang nasa 40 porsiyento ng mahigit 42,000 punong barangay sa bansa ang sangkot daw sa iligal na droga. Kung totoo ito, may pagkakataon na para maalis sila sa puwesto sa pamamagitan ng barangay at SK [Sangguniang Kabataan] election sa darating na Mayo.
Ang problema lang, may mga mambabatas na nais namang ipagpaliban [sa ikatlong pagkakataon] ang naturang halalan. Sa Kamara de Representantes, inaprubahan na sa komite ang panukalang batas na iurong muli ang barangay at SK elections sa Oktubre 2018, sa halip na sa Mayo.
Kung tutuusin, wala namang masama kung iurong ng ilang buwan ang naturang halalan. Ang kaso, may naaamoy na malansa ang ibang mambabatas sa tunay na pakay sa naturang plano. Sinasabi kasing balak ng ilang mambabatas na isabay ang barangay at SK election sa nilulutong plebisito sakaling matuloy ang hakbangin na gawing pederalismo ang sistema ng pamamalakad sa bansa.
Sa plebisito, itatanong sa mga botante kung payag ba sila ng pederalismo o hindi. Pero kung isasabay ito sa barangay at SK elections, baka hindi ng mabigyan nang lubos na pansin o mapag-aralan ng mga tao ang isasagot nila sa usapin ng pederalismo. Aba’y malay natin kung magkaroon pa ng hokus-pokus sa botohan tungkol sa tanong na “yes or no.”
Isa pa, papaano kung hindi naman matapos sa target na panahon ang pagkambyo sa pederalismo at hindi rin matuloy ang plebisito sa Oktubre? Magpapasa na naman ba sila ng panukalang batas na ipagpaliban uli ang naturang halalan? Aba’y dapat noon pang Oktubre 2016 nagkaroon ng barangay at SK elections. Pero iniurong ito sa Oktubre 2017, hanggang sa iurong na naman sa May 2018. Ngayon, balak na naman nilang iurong.
Sa ngayon, kahit pa lumusot na sa komite ng Kamara ang panukalang iurong ang barangay at SK elections, mukhang malabo naman itong makalusot sa Senado dahil walang katulad na panukala na nakabinbin. Maliban na lang kung biglang magkagulatan at aprubahan na lang ng mga senador ang bersyon ng Kamara.
Kung totoo ang sinasabing maraming barangay captain ang sangkot sa droga, aba’y lalo lang silang tatagal sa puwesto kung walang nangyayaring eleksyon. Maaalis lang siguro sila sa puwesto kung kakasuhan sila, sasalakayin ng mga awtoridad, o kaya naman eh “mamalasin” sa riding in tandem.
Pero ilan ba talaga ang mga barangay official na sangkot sa droga? Sabi ng Pangulong Digong, nasa 40 porsiyento ng mahigit 42,000 barangay ang dawit sa droga. Sabi naman ng isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 289 barangay officials [143 barangay chair at 146 ang kagawad] ang nasa “narco -list” daw ng pangulo. Ang sabi naman ng isang undersecretary ng Interior and Local Government, nasa 9,000 na barangay captains daw ang nasa listahan ng pangulo. Ilan ba talaga?
Sabagay, kung hindi man malinaw kung ilan talaga ang barangay officials na sa sangkot, ang malaman sa malaman, mayroon. At kung talagang nais ng pamahalaan na maalis sila sa puwesto, ituloy ang halalan sa Mayo at ilabas ang listahan ng mga sinasabi nilang mga barangay officials na narco-politicians para malaman ng mga tao.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
Follow me on Twitter: